Hindi ko pala kayang hindi magsulat. Ngayon lang marahil ako muling nagpost sa blog kong ‘to. Medyo naging abala kasi ako sa nobelang CONFESSION NG ISANG BOB ONG FAN. May mabuting balita ako sa inyong lahat. Ililimbag ngayong taon ng Flipside ang librong ito. Hindi ko rin ito inasahan. Sa totoo lang, parang isang panaginip lang ang lahat.
Nakilala ko ang publisher sa isang All-Filipino Book Festival noong Setyembre 2013. Nagustuhan nila ang ideya ko sa The Write Pitch. Naaalala ko pa. Sabi nila sa akin, “Napasaya mo ang tanghali namin.” Noong una nga ay nahihiya pa akong magsalita. Tapos, biglang may publisher na nagsabi na “Parang speed dating lang ‘to kaya bilisan mo.” Tatlong publishers ang naroroon nang araw na iyon. Ang Visprint Enterprises, Lampara at Flipside. Nangangalahati pa lang ako ng pitch ay binigyan na agad ako ng calling card ni Miss Katz ng Flipside. Pagkatapos kong magsalita, inabutan din ako ng Lampara ng calling card.
Pero si Miss Katz ang unang nag-email sa akin. Dapat talaga (at yun naman talaga ang alam ko) ako ang mag-e-email. Kaya nga nagbigay sila ng calling cards dahil interesado sila. Ang nangyari talaga, biglang nag-email sa akin si Miss Katz kung gusto ko daw ipabasa ang nobela ko.
Ilang taon nang nakabinbin sa laptop ko ang CONFESSION NG ISANG BOB ONG FAN ngunit di ko pa rin ito pinakikita sa iba. Nahihiya kasi ako. Tingin ko, ako lang matatawa sa sariling biro. Ilang buwan din bago ko nakumbinsi ang sarili na ipabasa ang akda.
Ang una talagang pamagat nito ay CONFESSION NG ISANG WRITER O KUNG SINO BA TALAGA SI BOB ONG. Pinasa ko ito noong 2012 sa Visprint pero mukhang di sila interesado.
Sabi pala sa akin ng Visprint noong Write Pitch, baka daw isiping promo material lang ang gawa ko kung tatanggapin nila ito. Sila kasi ang publisher ni Bob Ong. Ayos lang naman sa akin ‘to. Nauunawaan ko naman sila. Pero sabi naman nila, gugustuhin nila itong basahin pag nalimbag na ito sa tamang panahon. Di ko lang alam na ito na pala ang tamang panahon na matagal ko nang pinakahihintay.
Nagpirmahan kami ng kontrata ng Flipside noong ika-14 ng Marso 2014. Araw ng Pi. Di ko akalaing mapalad pala talaga ang araw na ito para sa akin. Kinausap din ako ng in-house illustrator na si Trizha. Sabi kasi ni Miss Katz, mas maganda raw kung lalagyan ng illustrations/infographics para mas ma-appreciate ng mga mambabasa ang kuwento. Pumayag naman ako.
Kahapon naman pinakita na sa akin ni Trizha ang book cover pati ang mga illustrations para sa CONFESSION NG ISANG BOB ONG FAN. Na-impress talaga ako sa gawa niya. Super-galing!
Ngayon, excited na ako para sa publication ng CONFESSION NG ISANG BOB ONG FAN. Hinihintay pa pala namin ng Flipside ang permiso ni Bob Ong at ng publisher niya para sa nobela ko. Sana pumayag sila.